Martes, Marso 29, 2011

Ito ba'y paalam na?


Huling araw na ng klase ngayong sem. Gusto ko nang magbakasyon, pero ayoko pang umuwi. Bukas ay aalis na sya ng Pilipinas, pabalik sa South Korea. At hindi ko man lang nagawang magpakilala sa kanya.
Kakatapos ko lang magpagupit, at papunta ako ngayon sa palikuran upang ayusin at lagyan ng wax ang buhok ko. Habang papunta doon, nadaanan ko ang silid aralan kung saan madalas ko siyang nakikita. Noong mga sandaling iyo’y walang tao sa loob ng kwarto: walang ilaw, magulo ang mga silya, tila isang bahay na inabanduna.
Malapit na ako sa pintuan ng palikuran, at mula roon ay abot tanaw na halos ang kabuuan ng pasilyo ng ikalawang palapag ng gusali ng College of Education. Naalala ko noon, doon ako nakatayo habang inaabangan ko ang paglabas niya mula sa kanyang silid aralan.
Pagkatapos kong ayusin ang akung buhok, lumabas na ako mula sa palikuran at muling tinanaw ang pasilyo, nagbabaka-sakaling pagtalikod ko’y baka nandoon siya.
Nagpatuloy ako sa paglalakad: mabagal, habang nakikinig sa malungkot na kantang sumasalamin sa nararamdaman ko nung mga sandaling iyon. Nakarating ako sa lugar na nag-uugnay sa gusali ng College of Education at College of Arts and Sciences. Doon sa lugar na iyon una kong napagmasdan nang malapitan ang kanyang kagandahan, nang minsan kaming nagkasalubong doon. Noong mga sandaling iyon, kaming dalawa lang ang naroon sa lugar na iyon, at sa buong pasilyo. Kapwa mabagal ang aming paghakbang noon, kaya sinamantala ko ang pagkakataong makita sa malapitan, kahit sandal lang, ang kanyang angking ganda.
Ilang mabagal na hakbang pa, nakarating ako sa harap ng faculty room ng C.A.S. Doon ko naman unang narinig ang kanyang tinig, nang minsan nyang tawagin ang kaibigan nya ng “unnie!” at sabihan siya ng “fighting!”, habang kasama nya noon ang dati kong guro sa Sikolohiya noong unang taon ko sa kolehiyo.
Sa di-kalayuan matatanaw ko naman ang “CAS Bridge”. Bumalik sa aking alaala ang panahong nakasalubong ko siya nang minsan, ngunit di ko siya nagawang kausapin pagkat marami akong dalang kagamitan na gagamitin namin sa aming fieldwork sa Higher Surveying.  Doon din sila dumaan ng kanyang kaibigan noon namang araw na hinintay ko siya ng tatlo’t kalahating oras para lang makausap siya. Sa hiya ko noon, idagdag mo pa ang katotohanang may kasama siyang koreano, hindi ko rin siya nagawang lapitan para kausapin. Pero nagbago ang isip ko. Ang sabi ko noon sa sarili ko, “wala naman sigurong masamang makipagkaibigan sa kanya”, kaya muli ko silang hinanap at sinundan, ngunit sa bilis ng lakad nila’y hindi ko na sila inabutan.
Pagbaba ko sa ground floor, dumaan ako sa ISH, ang room na laan talaga para sa mga foreign students ng UE. Napangiti ako nang muling sumagi sa aking gunita ang “kabaliwang” ginawa ko doon noon. Nagpaskil ako ng papel na may nakasulat na “너를 너모 예뻐“ na ang ibig sabihin sa Ingles ay “You are so beautiful” (kailan ko lang narealize na may mali pala sa pagkakasulat ko, dapat ay “너무” imbes na “너모“. haha). Natuwa s’ya noon, napangiti, at parang pigil ang tawa (marahil, dahil sa aking pagkakamali kaya siya natatawa..hahaha). Subalit nang mga sandaling iyon, hindi ko parin nagawang kausapin siya. Muli kong dinaanan ang daang nilakaran ko noong araw na iyon, noong mistulan akong tanga sa sobrang saya at kabang naramdaman ko noon.
Papunta na ako sa Recto Gate. Nadaanan ko naman doon ang lugar kung saan muntikan na siyang mapatid sa hawak kong measuring tape (kagamitan sa aming Surveying). Nagmamadali siya noon at hindi ko alam na siya pala iyon. Nalaman ko lang na siya ang babaeng iyon nang may biglang tumawag sa kanya, “Jasmine”. Napalingon ako, napalingon din siya, at nun ko lamang siya nakita. Sila pala ang mga kaklase niya. Madali rin siyang sumama sa mga ito, at nasayang nanaman ang isang pagkakataong makilala’t makausap ko siya.
Pagdating ko sa gate, naalala ko ang sandaling halos hinabol ko sila ng kaibigan niyang koreano (nabanggit ko na rin ito kanina). Hinabol ko sila, ngunit paglabas ko sa gate ay nakatawid na sila sa kalsada. May mga kasama pa silang ibang koreano’t koreana. Marahil ay kakain sila sa malapit na Korean restaurant doon.
Lahat ito’y pumasok sa isip ko, at ayokong masayang ang mga sandaling ito, kaya naisipan kong isulat ang lahat ng ito sa aking notebook.
Alas singko kwarenta y singko na ng hapon. Nagsasara na ang mga tindahan sa kantina. Pauwi na ang karamihan sa mga estudyante. Inaantok ako, at nagugutom sapagkat hindi pa ako kumakain ng tanghalian. Pero ayoko paring umuwi.

P.S.
Sinulat ko ito sa lugar na kung saan sinubukan ko ring isulat noon ang mga dapat ay sasabihin ko sa kanya noong araw na hinintay ko siya nang halos tatlo’t kalahating oras.

Lunes, Marso 7, 2011

kultyur

Kultura. Para sa akin, ito ang "tatak" ng isang bansa. Sa isang bansa, ito ang nagbibigay ng karakter dito. Ang mga kultura at tradisyon ng isang bansa ay bahagi ng kasaysayan, at ang kasaysayan ng bansa ay bahagi rin naman ng kanyang kultura. Ngunit nakalulungkot isipin na nakakalimutan na ng mga Pilipino ang ating sariling kultura.
Wala bang pagpapahalaga ang ating pamahalaan sa ating kultura?
Kakatapos ko lang manuod ng telebisyon, at habang nagpapalipat-lipat ako ng istasyon sa paghahanap ng magandang programa, nakita ko ang isang programa na nagpapakita at nagbabahagi ng mga kaalaman tungkol sa mga indigenous musical instruments ng ilang mga tribo at pangkating etniko sa ating bansa. Ito pala ay programa na inihanda ng pamahalaan para ipalaganap ang isang bahagi ng ating kultura sa bagong henerasyon. Ngunit, kung iisipin ng isang pangkaraniwang tao, sino ba naman ang manunuod sa ganoong klaseng palabas? Una, parang naipalabas lang iyon ng istasyong iyon dahil wala silang ibang maipalabas. At kung talagang layon ng pamahalaan na ipalaganap sa bagong henerasyon ang kultura natin, bakit hindi sa mga dambuhalang istasyon ipalabas ang ganitong programa? Naisip ko rin, magandang paraan ng pagtuturo ng ganitong topic sa mga kabataan (sa paaralan) kung ipapapanuod natin sa kanila ito sa pamamagitan ng mga videos na nagpapakita kung ano ang itsura at paano gamitin ang mga ito, total, hindi naman pamilyar sa ating lahat ang mga instrumentong ito at hindi magandang sa larawan lang ito nakikita, lalo na kung black and white ang larawan.

Naisip ko, gusto ko ring magkaroon ng kahit isang instrumentong pang-etniko, na sa araw-araw ay makikita ko, at maaaring matugtog rin, bilang paalala kung sino ako at saan ako nag-ugat.

Linggo, Marso 6, 2011

Balita 1

Narinig ko lang sa balita na pinaghahandaan ng Department of Education, o DepEd, ang pagtuturo ng foreign languages sa pampublikong paaralan. Ilang halimbawang nabanggit ay ang French, Spanish, Mandarin, at marami pang iba.

Hindi ko lubos maisip kung bakit tila mas pinagtutuunan ng pansin ng DepEd na ituro sa kabataang Pilipino ang mga dayuhang wikang ito, sa halip na bigyang atensyon ang mga subjects na sa tingin ko'y mas mahalaga, tulad ng Science, Mathematics, pati na rin ang English. Anu kaya ang tumatakbo sa isipan nila, turuan ang mga bata upang paglaki nila'y maipadala sa ibang bansa upang maging alipin ng mga dayuhan doon? Maganda rin namang matuto ng mga wikang banyaga; ako ma'y gusto ring matutunan ang mga wikang ito. Subalit sa kalagayan ng ating bansa ngayon, sa tingin ko hindi natin kailangan ng dilang pilipit upang umunlad.

Tingnan na lang natin ang mga karatig-bansa natin, na kung lubos nating iisipi'y hindi gaanong bihasa maging sa universal language na Ingles. Ang Tsina, South Korea at Japan, pinagtuunan nila ng higit na pagpapahalaga ang larangan ng siyensya, teknolohiya at maging ang agrikultura.

Ang sa akin lang, sana lang ay mas bigyang pansin natin ang mga fields kung saan tayo mas nagkukulang, mas nangangailangan, mas dapat tugunan. Maraming taniman sa atin, ngunit walang gustong magtanim. Maraming potensyal at kakayahan ang mga Pilipino, kaya't sana hindi ito masayang. Sa tingin ko, ngayon, higit kailanman, kailangang-kailangan ni Juan dela Cruz ng mga mahuhusay na Pilipino na magtatrabaho sa sarili nating bansa. Ang higit nating kailangan ay ang kabutihang panlahat, hindi ang pansariling kabutihan lamang. Hindi masamang maghangad ng pansariling pag-unlad, ngunit kung gusto nating umunlad ang Pilipinas, kailangan nating isauli sa kanya ang tulong na ibinigay nya sa atin, bilang kanyang mamamayan.

Sabado, Marso 5, 2011

Kailan kaya?

Matagal ko na ring pinangarap na isang araw, makasama ang babaeng mahal ko
Maglakad sa isang romantikong lugar habang hawak ang kanyang kamay
Titigan ang kanyang mga mata, halikan ang kanyang noo, habang papalubog ang haring araw.
Minsan nama'y naisip ko, sa kalamigan ng gabi
Sa kwarto, sa kama
Wala akong ibang ibig gawin kundi ang yakapin sya
Hanggang sumapit ang umaga.

Ngunit kailan nga kaya darating ang panahong ito,
Na dumating ang taong ito sa piling ko
Hindi naman sa nagmamadali ako,
Nagtatanong lang.