Lunes, Enero 9, 2012

Sa'n ka?

Isang lumang tanong ang bumalik sa aking alaala: "Ano ba ang dapat kong piliin? Kung saan ako masaya o kung ano ang tama?" Sinagot ko ito noon, at ang sabi ko, dapat piliin mo kung ano ang tama.

Pagdating sa pagdedesisyon, aminado akong mahina at mabagal ako rito. Hindi ko alam kung bakit at hindi ko rin alam kung pano ko "magagamot" o mababago ang sarili ko.

Madalas akong maipit sa sitwasyon kung saan ang gusto ko ay yung mali, o yung bawal. 'Pag nagdesisyon akong piliin ang tama, minsan hindi ako masaya. Madalas, kahit labag sa loob ko, ginagawa ko kung ano ang dapat kong gawin. Masakit sa pakiramdam, pero ito talaga ang dapat. Ngunit 'pag pinili ko naman ang ikasisiya ko, nakakagawa naman ako ng mali. Nakokonsensya ako pagkatapos kong gawin ang gusto ko.

Palagi kong naririnig ang mga katagang "Sundin mo ang nais ng puso mo" o kaya "Kung saan ka masaya, 'yun ang gawin mo." Sana mag-isip muna tayo bago tayo makinig sa mga katagang naririnig o nababasa natin dahil hindi lahat ng kataga ay aplikable sa bawat sitwasyon. Hindi laging tama ang gusto ng tao. Hindi laging tama ang pasya ng puso. Kaya nga tayo mayroong isang bahagi ng katawan, partikular sa ulo, na tinatawag na utak. Pano kung gusto kong magnakaw, mang-rape, o di kaya ay pumatay ng tao? Gagawin ko ba ito dahil ito ang makakapagpasaya sa akin? Dapat nating gawin ang nararapat. Dapat nating sundin kung ano ang tama at naaayon sa batas: sa batas ng tao, at sa batas ng Diyos.

Kahit saang anggulo ko talaga tingnan, dapat talaga nating gawin kung ano ang tama, dahil wala tayong pagkakamaling magagawa kapag ginawa natin ang tama.

Pero mas masarap kapag ang ginagawa natin ay ang TAMA at ito ay nakakapagpaSAYA sa atin. rakenrol.

2 komento:

  1. Tang'na...gusto mo mang-rape? XD
    'Wag. Tama nga na ang tama ang pinipili mong gawin.

    TumugonBurahin
  2. haha.. syempre figure of speech lang yan.. exaggeration. pero di ka nabigla sa sinabi kong gusto kong magnakaw at gusto kong pumatay ah? haha

    TumugonBurahin